DESPERADO?
Umaga, mga bandang alas-9, nag-aabang uli ako sa may Edsa. destinasyon ay sa Makati. Halos isang taon at 7 buwan akong nag-aabang ng bus sa Edsa noong ako’y may trabaho pa. Ngunit ngayon iba na ang senaryo, isa na ako sa libo-libong nakikipagsapalaran na makakita muli ng trabaho.
Ang hirap talaga ng buhay ngayon. Ang mahal ng pamasahe, kung pwede lang sana mag-apply ng naka-bisekleta ay gagawin ko para lang makatipid. Tingin mo desperado na ba ako?
Sa loob ng bus. Aba! himala maluwag. Kaya naman pala ay tanghali na ako ng mag-apply, hindi na sya rush hour. Pero sa loob ng bus, dama mo kagad na 80% na pasahero ay naghahanap ng trabaho, 10% ay papasok sa opisina, 6% ay napadaan lang sa Makati, at ang 4% ay mandurukot. Ganito na ba talaga kalala ang sitwasyon ng mga ilan nating kababayan?
"LOADING", yan ang karatulang tinigilan ng bus. Kung ikaw’y pamilyar sa Makati, ito ang lungsod na mahigpit na ipinatutupad ang ordinansang pang-batas trapiko. Kaya para hindi ka alien sa lugar na ito, hintayin mong sabihin ng konduktor na "Babaan na po! Bawal na po sa banda roon!" Ang galing diba? Only in Makati, sana lahat ng lugar sa Pinas ganyan. Kapag nasa Makati ka na, wag kang mag-dunong-dunungan kung ayaw mong maligaw gaya ko. Kahit ilang beses na ako sa Makati, hindi ko pa rin sya kabisado. Ilang beses na rin akong sumakay sa elevator na pawisan, dahil sa kahahanap ng labasan sa mga building na pinasok ko at mga escalator sa Ayala. Anong tawag sa kin? "MORON", ngunit sa pgkakataong ito alam ko yung lugar. Pumasok na ako sa opisina na aaplayan ko. Isang magandang babae ang sumalubong at sabi "Yes, Sir?", nakangiti at ang puti ng balat parang modelo. Mali yata ako ng pinasukan. Inikot ko ang aking paningin pero tama naman. Ang sabi ko "Aplikante po.." Binigyan ako ng application form, at gaya ng inaasahan ko. Isang mahabang exam na kailang lamang sagutin ng 20 minutos. Ano ako si Einstein? At isang essay test, hayyyy….Talaga naman ngawit na kamay ko 500 words na bolahan, kwentong barbero sa essay test na iyon, and take note english po yun. Buti na lang aral ako sa pag-sulat ng english.
Natapos ang exam, tinawag ang aking pangalan at dinala sa isang cubicle at sinimulan ng interbyuhin ng magandang recruitment officer. Hindi ako kinabahan dahil bago pa ako nag-apply, isang marubdob na panalangin ang aking ginawa. At sa awa ng ni Lord, pasado ako. Ngiti hanggang tenga, mag-hintay daw ako ng tawag dahil hihingin pa nila ang go signal sa opisinang papasukan ko.
Umuwi na ako at may baong magandang balita. Dumaan ang mga araw, gabi, tanghalian, meryenda at halos kalahating buwan na ang lumilipas wala pa rin ang tawag ng opisina. Ano yun? Nadengoy ba ako? Nauto kaya? Binola? O talagang ganun ang buhay? Ang hirap talaga mag-hanap ng trabaho. Desperado ka na ba? Ako desperado na rin kaya? At ang pagiging aburido ko ay natapos din..nag-txt ang magandang recruitment officer at mag-report daw ako sa opisina for psychological exam for endorsement. What the heck! Ano ako may topak?! Pero sige punta ako. Natapos ang mahabang exam ulit. At ang moment of truth ay dumating. Sabi ng magandang recruitment officer "Sorry, kasi yung position na inaaplayan mo ay filled up na..!" Ha!! What the…after all that exam hindi na sya vacant? Yun ang aking reaksyon. Sabi nya she will call us for different position naman daw, kasi dalawa kaming nag-aaply for that position. So to make the long story short. Ako’y bigo pa rin. Wala pa rin trabaho. Kumanta na lang ako.."Nasayang lang ang oras ko, nasayang lang pera ng nanay ko, ang bigat-bigat ng trabaho ang gaan-gaan ng suweldo…hanggat ako’y humihinga may pag-asa ppppaaaaaaaa…….."